Siguro kapag tinanong mo ang isang Pinoy, kung ano ang ibig sabihin ng 3 bituin sa bandera ng Pilipinas, baka sabihin niya, yung 3 big stars ng Pi’nas: sina Nora, Vilma at Sharon. Halos ang buong populasyon ng Pilipinas na 85 Milyon ay mahahati mo sa 3 bahagi—para kay Nora, Vilma at Sharon. Ang tatlong grupo ng kapuluan ng Pilipinas ay pwede rin na ipangalan sa tatlong big stars na ito. Ang Luzon kay Nora, ang Visayas kay Vilma at Mindanao kay Sharon.
Sa totoo lang, maraming similarities ang tatlong ito. Una sa lahat, sila ay pare-pareho ng mga past 40’s na (still beautiful I guess). Pangalawa, lahat sila ay pare-pareho ng Ina. Pangatlo, lahat sila ay may mga anak na kapwa mga modelo o artista na rin ngayon. Idagdag pa rito na lahat sila ay nagkaroon ng higit sa isang asawa, I mean, pag-ibig. Oh, hindi naman nila kasalanan yun.
Para kay Superstar Nora B. as in ‘bato’
Si Nora ay nasa US ngayon, hindi ko alam kung permanent resident na siya sa US o binabalak na niyang maging isang US Citizen. Matapos mahulihan ng “bato” si Ate Guy sa California, at marehab ito duon, nawala na ang Superstar ng pelikulang Pilipino sa pinilakang tabing ng Pilipinas. Ang “bato” na nahuli sa kanya ay sapat upang ikulong si Nora sa Amerika ng matagal, pero nagparehab na lamang si Ate Guy. Siguro masyadong nafrustrate si Nora sa isang role na hindi niya nagamapanan, iyon ay maging “Darna”, dahil si Ate Vi at Sharon nagging Darna na sa pelikula. Kaya ayun naghanap ng “Ding, ang bato” si Ate Guy. Napipicture-out ko na inaarte ni Nora Aunor ang “Ding…ang bato!” sa famous acting style niya na ginagaya ng mga gay impersonators.
Sabi nga nila, kahit gaano kaningning ang isang bituin, hindi panghabang-panahon ang kinang nito sa kalawakan. Gaya ng isang tala, o ng makislap na bituin, marami ding bumabatikos sa nag-iisang superstar ng Pilipinas, na halos nagpalaos sa ningning ni Ate Guy. Mula sa mga pagkakamali nya sa pag-ibig hanggang sa pagbulusok paibaba ng kanyang career, pati na rin ang kanyang diumano’y paggamit ng droga, pakikipatol sa tomboy atbp. Pero sa totoo lang, kahit ano pa ang sabihin nila, isa si Nora sa pinaka-accomplished na artista sa Pilipinas. Kung tutuusin, unparalleled din ang acting awards at talent ni Nora sa pagganap ng mga roles. Hindi ako Noranian ha, pero, when I saw her in “Sidhi”, “Flor Contemplacion Story” at “Minsan May Isang Gamu-Gamo” humanga ako kay Ate Guy. Siyempre i-exclude ko na ang mga istorya nina Guy at Pip, na kinabaliwan ng lola at mga tiya ninyo.
Si Nora palagay ko, ang representasyon ng isang tipikal na hitsurang Pilipina na bumasag sa mestisadong Philippine Cinema, siyempre marami ang nauna na sa kanya pero si Nora ay isang probinsyanang taga-Bikol, nagtitinda ng tubig sa istasyon, isang mapangarap na dalaga na pinatunayang “talento at kakayahan” pa rin ang puhunan sa tagumpay. Mahalaga si Nora sa kulturang Pilipino. Simbolo kasi si Nora ng isang Pilipina, inaapi, pero lumalaban, nagkakamali pero bumabangon. Hinulma ni Nora ang kaisipang, “hindi lamang para maganda ang pagiging Reyna”. Sabi kasi nila, bakya daw si Nora. Pero dahil sa kabakyaan niya, at kabaduyan na rin, nabuhay ang Pelikulang Pilipino, nung mga panahong wala ang katinuan ng mga Pilipino dahil sa Martial Law. Dahil sa kanyang mahiwagang nunal nailarawan niya ang isang mukha ng tagumpay.
Marami ang nagsasabi naghirap si Nora dahil na rin sa kanyang kapabayaan. Sa dami ng tumabong pelikula niya sa takilya hindi malayong milyonarya si Nora nuong ang palitan pa ng dolyar sa Piso ay 1-5. At nuong panahon na sumikat siya, ang P100 ay tiyak na budget na nang isang mag-anak sa isang buwan. Pero hindi raw nagging “wais” si Ate Guy. Marami ang nanghinayang sa kanya. Pero palagay ko hindi na mawawala si Nora Aunor sa mga haligi ng mga sinehan sa Pilipinas at sa bawat pundasyon ng Telebisyong Pilipino.
Si Gobernadora Vilma “ ala-e” Santos-Recto
Ito ang wais na misis. Si Gov. Vilma-Santos “Lucky” Recto. Mind you, ang hunk na anak niya ay ayaw niyang ipatawag na LUCKY. Kundi Luis. Si Vilma ang isa sa dakilang “rival” at archnemesis sa showbiz ni Nora Aunor. Bagama’t hindi pa ako buhay nuon, nagsasabunutan pa ata ang mga Noranians at Vilmanians, sa anumang pagtatagpo maging shooting o taping (siguro dapat i-confirm ito ng isang die-hard Noranian o Vilmanian). Gaya ni Shawie, si Vilma ay asawa din ng isang senador, I mean, ex-senator Raph Recto(na nagsabi na “magkukrus daw muli ang landas natin..hmmm”), mula siya sa kilalang pamilya ng mga Recto.
Lucky talaga si Ate Vi. Matapos ang Vilma Show niya sa GMA 7 nuon, na panay haggis hagis at buhat-buhat. Ngayon isa na siyang respetadong Gobernadora ng Batangas. Si Vilma ang perfect example ng pagpapalit mukha. Mula sa Showbiz to Politics. Marami ang artistang lalaki na naging pulitiko, isa na rito si Ex-President J.E.E. Pero halos walang babaeng artista na naging succesful politician. Ganun pa man, gaya ng laging batikos sa mga artista-pulitiko, karaniwang ipinupukol na sa kanila ang kawalan ng kaalaman at karanasan sa paglilingkod-bayan. Pero kahit mabigat ang kalaban ni Ate Vi sa Bats, si Sister Stella L, pa rin ang nagwagi. Aba, di yata at magaling na artista din si Ate Vi, kayang-kaya niyang magdrama sa campaign sorties. On the other hand bilang isang artista, countless na rin ang roles niya na “critically acclaimed” gaya ng Dekada “70 at “Bata, Bata Paano ka GInawa?”, Sister Stella L, Burlesk Queen, atbp.
Ang maganda kasi kay Vilma, naging malinis ang pangalan niya sa mga intriga nuong nagpakasal siya kay ex-Senator Recto, at lalo na nang paglingkuran niya ng buong lakas ng City of Lipa. Sabi ko nga, kung BatangeƱo lang ako, iboboto ko si Ate Vi, diba? Gobernadora na, Artista pa. Imagine, kapag nakakuha ka ng business permit o di kaya Provincial License, na may pirma nya, parang autograph na rin! Si Ate Vi, ang Ate ng Batangas!
Si Sharon at ang Lucky Me Pancit Canton
Sharonian ang nanay ko. Although hindi niya inaamin. But I remember, we would watch Sharon’s movies to the old defunct MVS Cinema in Zapote. Anak ng isang local politician si Ate Shawie. Ikinasal sa isang gwapong si Gabby Concepcion, pero naghiwalay din matapos mag-aksaya ng limpak limpak na salapi sa engrandeng kasalan sa Manila Cathedral.
Si Sharon ay isa ring accomplished artista at singer. Though hindi ko gustong singer si Sharon, “box-office” queen naman siya sa pelikula. In fact, hinahangaan ko siya sa “Pasan ko ang Daigdig” at sa comedy na “jack and jill”, kasama si Bistek. Galing sa mayaman at politkong pamilya si Ate Shawie. Siguro ito na rin ang dahilan kung bakit sanay na sanay siya sa mga tao. Hindi kasi suplada itong si Ate Shawie sa mga fans. Nakita ko kasi siya sa isang mall tour nuon, kahit na siguro sukang-suka na siya sa mga tao na halik ng halik sa kanya, ngiting-ngiti pa rin at parang hindi siya pagod na pagod. Kasi, kung ako ang halikan ng mga tao at ibeso-beso na halos mabura ang pisngi ko eh, tiyak nag-walk out na ako. Pero hanga ako kay Ate Shawie, kahit ngalay na ang medyo tumatabang kamay sa pagpirma, hindi niya binigo ang 5 oras na pumila para lang makapag-palitrato sa kanya.
Lately, panay buttered-scotch caramel ice-cream at instant noodles ang commercial ni Ate Shawie. Iniisip ko, hindi kaya, kaya hindi siya pumayat na ay dahil hinihingi niya ang Lucky Me instant Pancit Canton ng kanyang esposong si Senator Francis Pangilinan? Hindi na nga naisuot ni Sharon ang “black dress” na idinisplay sa early evening show niya sa Dos na “The Sharon”. Nasaan na kaya ang damit na ‘yun? Ibinigay na kaya niya kay Yaya Loring? O ipinasuot na lang niya kay KC? Hindi ko talaga alam kung naisuot niya ang black gown na yun. Matapos ng manganak siya sa pangatlo niyang anak, hindi na bumalik sa dating kaseksihan si Sharon, medyo tumaba siya ng konti, pero I must admit, Sharon remained beautiful. Sabi nga sa Dove “eh sa taba ko ba namang ito, ganito naman katawan ko at least, maganda naman ako..”
I don’t want to hurt Ate Shawie naman. Siyempre, idol ko pa rin siya. Pero, eh ano naman kung hindi na siya sexy? Mas mataba na nga ngayon sa kanya si Alec Bovick na nagsabi “Kumakain ako, kasi gusto kong maging malusog ang baby ko….” Utang na loob, Ms. Bovick! Hindi yan totoo. Talagang ikaw ang nagpalusog…Going back, eh ano naman ngayon, kung sarap na sarap si Sharon sa Selecta, este Nestle Ice Cream (sabi niya masarap ang Selecta, ngayon Nestle na, nag-iba siguro ang panlasa niya ano??) eh masarap naman talaga eh, at totoo naman nakaka-adik ang lasa ng Lucky Me Pancit Canton, hindi ba? Kaya, okay lang kay Ate Shawie yun. Saka bakit ba hindi na pwedeng maging malusog, chubby ang isang artista? Tayo lang ba ang may karapatang kumain, at sila, parang mga goldfish na papakainin lang ng mumu-mumong butil? Mali naman ata yun!
Pero, Si Sharon ay isang ulirang asawa at ina. Respetado ng mga kasamahan sa industriya at maging sa “political circles” ng kanyang asawa. Kahit na naging hiwalay kay Gabby, ipinakita pa rin ni Sharon na may ikalawang Gloria ang mga mabubuting tao tulad niya. Gaya rin ng mga Pilipino, “icon” na si Sharon sa isang buhay, isang “bad marriage” patungo sa isang “model family” ngayon. Si Sharon, ay simbolo di lamang ng pagkain kundi, isang nosyon na, “everyone deserves a good life, and good taste of ice cream after a long tiring day…”
Si Nora, Vilma at Sharon. Bow.
Wednesday, August 15, 2007
Ang Mga Pagtatanggol sa Bituin ng mga Pilipino.
Posted by morDANwurds at 9:49 PM
Labels: pop culture
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment