Tuesday, July 17, 2007

Ang Matagumpay na Paghihirap ng Aliping Hari

Ang katawang ibinilad sa init at kahihiyan
Kasama ang ulong pinadugo ng tinik at dusa;
Ang tagilirang sinugatan—sinaksak;
Ang mga kamay at paang binutas ng pako;

Ang mga latay, sampal at pagdura,
Paghampas, pagtadyak at pagdayuta,
Sa isang taong natagpuang walang sala:
Subalit iniharap at isinakdal ng mga
Nagdudunung-dunungan,
Nagbabanal-banalan—

Pinaglakad buhat-buhat ang isang kahoy patungo
Sa kamatayang di dapat niyang tahakin—
May mga iyak at luhang itinapon
Ang iba’y nanlibak;
Habang pasan ang kabigatang
Higit sa alinmang paghihirap.

Habang ang kanyang laman
Ay namamaga sa pagbugbog

Hindi siya dumaing.
Buong kaya niyang inihandog
Ang sarili sa isang dakilang layunin

Hindi naunawaan ng kasaysayan
Ang tagpong ito—
Hindi natanggap ng pilosopiya
Ang ganitong kadakilaan
Hindi nalirip ng talino
Ang kanyang pagpapakasakit:

Na isang tao’y magbigay
Ng kanyang buong buhay
Di lamang sa kanyang mga kaibigan
Lalo’t Higit sa kanyang mga kaaway
Maging sa mga di niya kilala

At ang sanlibutang sa kanya’y nagtatwa
Ay di naarok ang pagkadalisay ng
Pag-ibig na ipinamalas
Ng isang haring namuhay bilang
Alipin.

Na ang pagsigaw na ipako siya sa krus ay
Naging hiyaw at iyak para sa kaligtasan
at paghingi ng awa at habag

Upang ang kamatayan sa libingan
Ay di doon magtapos—
Upang ang hagupit ng parusa’y di na
Danasin ninuman,
Upang sa isang araw ay magising o di kaya’y
Mamulat ang mga mata
Na Makita ang taong pumalit sa ating
Kalalagyan—

Sa katapus-tapusa’y naitanong ko
Sa aking puso ang dahilan ng
dakilang pasakit na ito?
Walang kulog at kidlat na sumagot
Bagkus isang malamyos na hangin ang umihip
At ang isinagot at humawan sa aking kaluluwa:

Pag-ibig.

0 comments: