Sa hapdi at pag-ibig na isinangkap sa Panahon at alaala
Naisin man ng mga gabi mula ngayon
na muling pag-isahin ang mga sarili ay
wala na akong lakas na igaganti ng
anumang yakap o halik
ang anuman sa aking alaala.
Kung paanong winasak ng kahapon aking isipan
Paano kaya bubuin o hahabiin ng bukas?
Narito at buhay pa rin ang sugat na patuloy
Pang pinadugo ng nakalipas.
Kung sana’y ang isipa’y madaling lumimot
Gaya ng puso, sa mga umaalipin na nagtabi
Ng hapdi at agam-agam.
Kung sana ang init ng yakap at siil ng halik
At mag pangakong minsang binitiwan ay
Hindi kumupas, ng mga taong sagad
Ang tamis ng dila at ang pusong mapanlinlang:
Gaano kaya kainit ang minsang yumakap sa iyong pagkatao?
Sa kaluluwang umangkin at kumubabaw sa puso’t diwa?
Sana’y ang mga gabi at araw na itiniklop ng pagnanasa
Sa taong di-sukat ni nag-alay ng anumang pagmamahal
Ay tuluyan ng kalimutan ng kahapon,
Paslangin ng araw araw sa kasalukuyan
At itakwil ng bukas;
Sana ang mga sandaling umapuhap sa apoy
Na nag-alab sa mga katawang hagod-nginig
Sa kagustuhang pag-isahin ang sarili’t di ang puso
At ang mga nadarang na sarili’y maampat na
Ng katotohanan ng isang pagakakamali;
Paano kaya isinugal ang sarili sa isang pagsukong
Itinaya maging ang hinaharap?
Paano kaya nilasap ang ligayang inihiga sa alinlangan,
Pagkabigo’t sawi?
Saan kaya itinago ang pagtingin sa sariling kapakanan
Upang harapin lamang ang katawang nangailangan?
Nasan kaya ang pag-ibig habang ang isipan ay walang
Bukas na haharapin at walang pangakong tutupdin?
Kung sana’y ang pagsisi’y nakikita ng mata
O naririnig ng tenga o nararamdaman ng mga balat,
Tiyak na ang walang hangga’y tumigil na
Sa pag-inog at paglakad.
Subalit wala nang kahapong babalik,
Hindi rin ngayon darating ang bukas
Hindi rin magtatagal ang kasalukuyan.
Kaya’t kung ang pagtarak ng lumipas
Sa akin ay upang tanggapin ng buong
Loob at kaya ang lahat ng alaala;
Kung ang ngayo’y humihingi ng pagtitiwala
At pananampalataya sa sugatang sandali,
Kung alinlangan ng bukas ay upang maibigay
Ang pangakong iniwan at niyurakan ng iba;
Hayaan mong ibigin kita
Ng isang pag-ibig na di kayang burahin ng
Nakalipas, sirain ng ngayon at buwagin ng bukas.
Hayaan mong mahalin kita ng mga hapdi
Upang Makita ang ang halaga ng lahat
Ng ating mga pasakit;
At sa gitna ang mga pagsubok, panlilibak
Galit, takot maging sa pananabik,
Hayaang ang pag-big na sinuyod ng panahon
Upang matagpuan ay manatili sa
Akin at sa iyo, habang-buhay.
Thursday, August 31, 2006
sa hapdi at pag-ibig na isinangkap sa panahon at alaala
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment